Ang gramatika, pagbabantas, at kapitalisasyon ng mga letra ay isinaayos. Para ma-access ang mga larawan at ang buong transcript ng mga personal na salaysay ng Unang Pangitain, tingnan sa Primary Accounts of Joseph Smith’s First Vision of Deity.
Nang halos labindalawang taong gulang na, lubhang natuon ang aking isipan sa mahahalagang alalahanin tungkol sa kapakanan ng imortal kong kaluluwa, kaya sinaliksik ko ang mga banal na kasulatan—sa paniniwala, tulad ng itinuro sa akin, na naroroon ang salita ng Diyos at ipinamuhay ko ang mga ito. Ang pagkamalapit ko sa mga miyembro ng iba’t ibang sekta ay naging daan upang lubha akong magtaka, sapagkat natuklasan ko na hindi nila ipinakita ang ganda ng kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng banal na pamumuhay at makadiyos na pakikipag-usap ayon sa natuklasan kong nilalaman ng sagradong aklat na ito. Ito ang hinagpis ng aking kaluluwa.
Dahil dito, mula edad labindalawa hanggang labinglima ay maraming bagay akong pinagnilay-nilay sa aking puso tungkol sa sitwasyon ng daigdig ng sangkatauhan, ang mga pagtatalo at pagkakahati, kasamaan at karumal-dumal na gawain, at kadilimang bumabalot sa isipan ng sangkatauhan. Nabagabag nang husto ang aking isipan, sapagkat nadama ko ang bigat ng aking mga kasalanan, at sa pagsasaliksik sa mga banal na kasulatan nalaman ko na hindi lumapit ang sangkatauhan sa Panginoon, kundi sila ay nag-apostasiya mula sa totoo at buhay na pananampalataya, at walang lipunan o sektang nakasalig sa ebanghelyo ni Jesucristo tulad ng nakatala sa Bagong Tipan. Nagdalamhati ako dahil sa sarili kong mga kasalanan at sa mga kasalanan ng mundo, dahil nalaman ko sa mga banal na kasulatan na ang Diyos ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman, na siya ay hindi nagtatangi ng mga tao, sapagkat siya ang Diyos.
Sapagkat minasdan ko ang araw, na siyang nagbibigay ng liwanag sa mundo, at gayon din ang buwan, na umiinog sa kaluwalhatian nito sa kalawakan; at ang mga bituin din ay nagniningning sa kanilang kinalalagyan; at ang mundo rin na aking kinatatayuan; at ang mga hayop sa parang at mga ibon sa himpapawid at mga isda sa mga tubig; gayon din ang tao na nabubuhay sa balat ng lupa sa kamahalan at kagandahan, na siyang kapangyarihan at katalinuhan [ng Diyos] sa pamamahala ng mga bagay na napakaganda at kahanga-hanga, maging sa larawan Niya na lumikha sa kanila. At nang pag-isipan ko ang mga bagay na ito ibinulalas ng puso ko, “Sinabi nga ng matalinong tao na isang [hangal] ang nagsasabi sa kanyang puso na walang Diyos.’” Ibinulalas ng puso ko, “Lahat ng ito ay nagpapatotoo at nagpapahiwatig ng isang kapangyarihang walang hanggan at nasa lahat ng dako, isang Nilalang na gumagawa ng mga batas at nagtatakda at nagbubuklod sa lahat ng bagay sa kanilang mga hangganan, na pumupuno sa kawalang-hanggan, na siyang nabuhay noon at ngayon at sa buong kawalang-hanggan.” At nang pag-isipan ko ang lahat ng ito at na hangad ng Nilalang na iyon na sambahin siya ng mga taong sumamba sa Kanya sa espiritu at sa katotohanan.
[Dahil dito], ako ay nagmakaawa sa Panginoon, sapagkat wala na akong ibang malalapitan [at mahihingan ng awa]. At narinig ng Panginoon ang aking pagsusumamo sa ilang, at habang sumasamo ako sa Panginoon, noong ikalabing-anim na taon ng aking buhay, isang haligi ng liwanag na higit pa sa liwanag ng araw sa katanghaliang-tapat ang bumaba mula sa itaas at nanahan sa akin. Ako ay napuspos ng espiritu ng Diyos, at binuksan ng Panginoon ang kalangitan sa akin at nakita ko ang Panginoon.
At nangusap siya sa akin, sinasabing, “Joseph, anak ko, pinatatawad na ang iyong mga kasalanan. Humayo ka, lumakad sa aking mga palatuntunan, at sundin ang aking mga kautusan. Masdan, ako ang Panginoon ng kaluwalhatian. Ako ay ipinako sa krus para sa sanlibutan upang ang lahat ng maniniwala sa aking pangalan ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. Masdan, ang sanlibutan ay nasa makasalanang kalagayan, at walang gumagawa ng mabuti, wala, ni isa. Tinalikuran nila ang ebanghelyo at hindi sinusunod ang aking mga kautusan. Lumalapit sila sa akin sa pamamagitan ng kanilang mga labi subalit ang kanilang mga puso ay malayo sa akin. At ang aking galit ay nagniningas laban sa mga naninirahan sa lupa, upang [dalawin sila] ayon sa kanilang kasamaan at upang isakatuparan ang sinabi ng bibig ng mga banal na propeta at apostol. Masdan at narito, ako ay kaagad na paparito, gaya ng nasusulat sa akin, nadaramitan ng kaluwalhatian ng aking Ama.”
Ang aking kaluluwa ay puspos ng pagmamahal, at sa loob ng maraming araw maaari akong magalak nang may malaking kagalakan. Kasama ko ang Panginoon, ngunit wala akong matagpuang sinuman na maniniwala sa pangitaing ito mula sa langit. Gayon pa man, pinagnilayan ko ang mga bagay na ito sa aking puso.
Dahil napuno ang aking isipan tungkol sa paksa ng relihiyon, at tinitingnan ang iba’t ibang sistema na itinuturo noon sa mga anak ng tao, hindi ko alam kung sino ang tama o sino ang mali. At iniisip na napakahalaga na dapat tama ako sa mga bagay na may kinalaman sa kawalang-hanggan, yamang naguguluhan ang aking isipan nagtungo ako sa tahimik na kakahuyan at yumukod sa harapan ng Panginoon, sa pagkilala na sinabi niya (kung totoo ang Biblia), “Humingi, at kayo ay makatatanggap; kumatok, at kayo’y bubuksan; humingi, at makakasumpong kayo,” at muli, “Kung ang sinumang tao ay nagkukulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat.”
Impormasyon ang pinakahangad ko sa panahong ito, at taglay ang matatag na determinasyon na matamo ito, nanalangin ako sa Panginoon sa unang pagkakataon sa dakong nabanggit sa itaas. O sa madaling salita, nagtangka akong manalangin ngunit hindi nagtagumpay; ang aking dila ay tila namamaga sa aking bibig, kung kaya’t hindi ako makapagsalita. Nakarinig ako ng ingay sa likuran ko, na parang may taong naglalakad patungo sa akin. Muli akong nagsikap na manalangin ngunit hindi ko magawa. Ang tunog ng paglalakad ay parang papalapit nang papalapit. Mabilis akong tumindig at tumingin sa paligid pero wala akong nakitang tao o bagay na maaaring makagawa ng ingay na tulad ng paglalakad.
Muli akong lumuhod. Nabuksan ang aking bibig at nakalagan ang aking dila, at ako ay nanawagan sa Panginoon sa taimtim na panalangin. Lumitaw ang isang haliging apoy sa itaas ng aking ulunan. Kaagad itong nanahan sa akin at napuspos ako ng di-masambit na kagalakan. Isang katauhan ang lumitaw sa gitna ng haliging nag-aapoy, na kumalat sa buong paligid subalit walang natupok. Hindi nagtagal isa pang katauhan ang lumitaw na kahawig ng nauna. Sinabi Niya sa akin, “Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.” Siya ay nagpatotoo sa akin na si Jesucristo ang anak ng Diyos. At marami akong nakitang anghel sa pangitaing ito. Ako ay mga labing-apat na taong gulang nang matanggap ko ang unang pakikipag-usap na ito.
Joseph Smith—Kasaysayan 1:5–20
Noong labing-apat na taong gulang ako, naisip ko ang kahalagahan ng pagiging handa sa mangyayari sa hinaharap, at sa pagtatanong [tungkol] sa plano ng kaligtasan, nalaman ko na may malaking pagkakaiba sa mga opinyong pangrelihiyon; kapag dumadalo ako sa isang sekta itinuturo nila sa akin ang isang plano, at iba rin sa ibang sekta; bawat isa ay nagtuturo ng kani-kanyang doktrina bilang summum bonum [pinakasukdulan] ng kaganapan. Iniisip na lahat ay maaaring hindi tama, at ang Diyos ay hindi maaaring maging may-akda ng labis na kalituhan, nagpasiya akong suriin nang lubos ang paksang ito, naniniwalang kung ang Diyos ay may isang Simbahan hindi ito mahahati-hati sa mga pangkat, at kung itinuro Niya sa isang sekta ang isang paraan ng pagsamba, at pangangasiwa sa isang set ng mga ordenansa, hindi Niya tuturuan ang ibang sekta ng mga alituntuning salungat sa itinuro niya sa isa. Sapagkat naniniwala ako sa salita ng Diyos, nagtiwala ako sa pahayag ni Santiago; “Nguni’t kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya.”
Nagtungo ako sa isang tagong lugar sa kakahuyan at nagsimulang manalangin sa Panginoon. Habang taos pusong nananalangin, [ang aking isipan ay wala na sa mga bagay na nakapalibot] sa akin, at nabalot ako ng isang makalangit na pangitain, at nakakita ng dalawang maluwalhating katauhan, na magkatulad na magkatulad sa katangian at anyo, napalilibutan ng maningning na liwanag na mas maliwanag kaysa araw sa katanghaliang tapat. Sinabi nila sa akin na lahat ng sekta ay naniniwala sa maling mga doktrina, at wala ni isa man sa kanila ang kinikilala ng Diyos bilang Kanyang Simbahan at kaharian. [At mahigpit na inutos sa akin na] “huwag sumapi sa alinman kanila,” at kasabay nito ay nakatanggap ng pangako na ang kaganapan ng Ebanghelyo ay ipaaalam sa akin balang araw.